Pagpupugay kay Kasamang Atty. Federico "Dick" Bunao
August 2012
Ang kwento ng buhay ni Kasamang Federico "Dick" Bunao, abogado ng bayan, ay makabuluhang bahagi ng kwento ng pagsibol at pagsulong ng kilusan sa tunay, palaban at makabayang unyonismo, at kasabay nito ang kilusang mapagpalaya, sa rehyong Kordilyera.
Sa mga huling taon ng dekada 1970, sumibol ang binhi ng gawaing pag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa ng Benguet Corporation. Ang panimula, datapwat di-sinasadyang hakbang pagoorganisa ay naganap mula sa programang CCF ng simbahang Katoliko at Good Shepherd, na kumikilos sa hanay ng mga nanay at mga kababaihang asawa ng mga minero sa Antamok Tram, sa Ucab, Itogon, Benguet, isang bahagi ng operasyon ng Benguet Corporation.
Ang mga talakayan sa pagpapatupad ng mga programang pangkabuhayan ay tumungo sa talakayan ng mga problemang kinakaharap ng mga manggagawa, sa panahong iyon. Naging mainit, emosyunal at tampok na isyu ang pagkabit ng mga metal detector sa bungad ng mga pasukan sa minahan (mine portals), para sugpuin ang pagnanakaw at iligal na pagluluwas ng mga naba ng ginto (gold ore). Humantong sa isang ispontanyong sama-samang pagkilos ng mga manggagawa sa Antamok, dahil sa nasabing isyu.
Agad na tumungo sa pag-oorganisa ng bagong unyon ang mga manggagawa. Nabigyan ng malinaw na direksyon ang gawaing pag-oorganisa nang umugnay at magtalaga ng mga organisador ng kilusang mapagpalaya sa pagawaan. Itatag ang tunay, palaban, at makabayang unyonismo laban sa paghahari ng dilawan at maka-kapitalistang unyon! - ito ang tampok na islogang nagbuklod at gumabay sa masang kasapian ng unyon sa kampanyang pagpapalit ng unyon sa loob ng pagawaan.
Sa harap ng matinding panggigipit at panunupil ng pwersa ng batas militar at ng Benguet Corporation, matagumpay na naitatag ang ugat ng tunay, palaban at makabayang unyonismo sa pagawaan. Naging malakas na impluwensya ito sa marami pang mga manggagawa sa iba pang pagawaan sa rehyon, lalo nang matagumpay na nailunsad ang una sa rehyon, pinakamalaki at mapangahas na welga noong Enero 1981, sa kasagsagan ng Batas Militar ni Marcos. Ang mga makabuluhang dagdag sahod at benepisyo na nakamit ng mga manggagawa ay nagsilbing malaking inspirasyon at impluwensya sa marami pang manggagawa sa iba pang pagawaan.
Sumulong at lumawak ang gawaing pag-oorganisa sa hanay ng mga manggagawa sa mga minahan at iba pang linya ng industriya - sa BCEPZ, Hotel at Restaurants, transportasyon, at iba pa. Ilan dito ang pag-oorganisa mg mga tunay , palaban at makabayang unyon sa Sangilo, Be-ex, Grand Antamok Project, Lepanto, Philex, Hyatt Terraces-Baguio, Adriste, CaFFCo, TI, Commonwealth, DaiGu, Narda's, Philippine Rabbit, D&S Fine Foods, Master Hopia, Tiong San, Orion Drug, Coca-cola, Irisan Lime Kiln, Agrofoods, Vital Farms, at maraming iba pa.
Sa lahat ng pagawaang ito, naglunsad ng iba't ibang tipo ng sama-sama pagkilos ang mga manggagawa para igiit ang mga kahilingan sa sahod, trabaho at karapatan. Sa kanila nagmula ang gulugod at masang kasapian ng Kilusang Mayo Uno - sentro ng tunay na unyonismo, na sa kalaunay naging dominante at nagwakas sa paghahari ng dilawang unyonismo sa rehyon Kordilyera.
Sa ganitong konteksto at panahon nabuhay at umangkop si Kasamang Dick Bunao.
Taong 1981 nang ipadala ng punong tanggapan ng National Federation of Labor Unions (NAFLU) si Ka Dick sa lungsod ng Baguio, para gumampan sa tungkulin bilang tagapayong-legal at abogado, una ang bagong tatag na Baro a Timpuyog dagiti Mangmganged ti Benguet (BTMB), ang unyong lokal ng 6,500 manggagawa sa Benguet Corporation. Lumapad at lumawak ang tungkuling ito ayon sa paglawak at paglaki ng gawaing pag-oorganisa sa maraming lugar at linya ng industriya. Sa kalaunan, gumampan si Ka Dick ng trabahong legal at abogado ng lahat ng mga unyon sa ilalim ng KMU-Kordilyera.
Lumahok at nagbigay ng legal na gabay si Ka Dick sa bawat sama-samang pagkilos at welga ng mga manggagawa, humarap sa maraming negosasyon sa dagdag na sahod at benepisyo, sa mga Collective Bargaining Agreements, mga grievance meetings at LaborManagement Councils. Magiting nyang pinanindigan ang mga manggagawa sa bawat pulong sa petition for certification elections or local elections, mga conciliation meetings sa NCMB o mga kaso sa Department of Labor sa rehyon. Nilabanan at hayagang pinuna nya ang ilang beses na tangka ng panunuhol sa kanya at pati sa mga kasamang lider sa unyon.
Ang buong panahon nya ay ginugol sa tapat at puspusang pagsisilbi sa mga manggagawa - mula sa pagsasaliksik, at paghahanda ng mga kinakailangang ibedensya, datos at dokumento, pagsusulat ng mga mahaba, detalyado at makinilyadong dokumento at masugid na pakikipagtagisan sa mga abogado ng kumpanya sa harap ng husgado at korte.
Sa bawat pakikihalubilo sa masang manggagawa, mababanaag ang sinsero at dalisay na hangaring makatulong, may mababang kalooban at patas na pagtingin at pakikipagkapwa. Ang mga ekspresyong "bossing" o "bok", na karaniwang nang katawagaan sa pagitan nya at iba pang ka-manggagawa, ay pagpapahiwatig sa isang ugnayang parehas, bagamat may kunutasyong pyudal, bilang pambalansi marahil sa kalagayang sya ay isang propesyunal na abogado kumpara sa kausap na isang "ordinaryong", manggagawa.
Sya ay katawang-tao ng prinsipyo ng "simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka,"walang kotse, bahay at iba pang karangyaang hatid sana ng isang propesyon tulad ng abogasya. Katawang-tao din sya ng di-pagkamakasarili, palaging inuunang magisip at gumawa sa kapakanan ng iba, na di naman nya kaanu-ano, pero mulat sa katotohanang ang kanyang pinagsisilbihan ay mga ama at ina, kaanak o kaya'y anak ng uring pinagsasamantalahan at inaapi, ang uring anakpawis.
Ang lahat ng ito, at mga samut-saring kwento ng kanyang pagkatao ng iba pang nakadaupang-palad o kabungguang-balikat nya ang magtatatak na sya ay isang tunay na bayani ng uring anakpawis, abogado ng bayan sa kaibuturang depinisyon nito, rebolusyonaryo at proletaryado.
Sa aming mga naiwan at patuloy na nabubuhay, pagsisilbihin naming inspirasyon at gabay ang klase ng buhay na iyong isinagawa, upang kahit paano'y patuloy ka naming bubuhayin sa aming mga diwa't ala-ala, at patuloy na susulong para palaguin pa ang susunod na henerasyon ng mga lumalabang anakpawis, rebolusyonaryo at proletaryotungo sa kaayusang ang pagsasamantala sa kapwa ay isa na lamang bangungot ng nakaraan.
Paalam, kasamang Dick !
- KMU Cordillera, Cordillera Labor Center, Anakpawis Cordillera at Cordillera Peoples Alliance