Susing Pananalita na binigkas ni Danilo Ramos, Pangkalahatang Kalihim-KMP para sa 25th Cordillera Day Celebration
April 23, 2009
Maalab na pagbati sa lahat ng delegado, mga kasama at panauhin ng 25th Cordillera Day 2009, Sagada, Mt. Province. Agbiag ti Cordillera! To all international delegates and comrades, warm greetings of solidarity!
Maraming salamat sa pag-imbita ninyo sa KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas). Isang karangalan para sa akin na makapagsalita sa mahalagang pagtitipong tulad nito. Nais kong ipahayag ang pagkilala at pagpapahalaga sa buong pamunuan, kasapian at istap ng CPA at CPA Mt. Province chapter, sa inyong masigasig at patuloy na isulong at ipaglaban ang interes ng masang anakpawis at sambayanang Filipino.
Gayundin, maalab na pagbati sa mamamayan ng Barangay Ankileng, Sagada sa inyong pag-host sa selebrasyong ito. Mabuhay kayo! May natatangi at makasaysayang papel ang mamamayan ng Mt. Province dahil ang pinaka-unang selebrasyon ng Cordillera Day ay ginanap sa Sadanga, Mt. province noong 1985.
Ang pangkalahatang tema na: “Strengthen people’s solidarity, intensify the struggle for land, life and rights” at ang partikular na tema sa selebrasyon sa Sagada na: “Salakniban nan Katagoan!” or Defend Land and Resources, ay napapanahon at napakahalaga para sa mamamayan ng Cordillera at taong bayan.
Dahil sa papalalang krisis na dinaranas ng mamamayan at kanilang diskontento sa kasalukuyang rehimen, kailangan ang ibayong pagpapalakas ng pagkakaisa at pag-ibayuhin ang pakikibaka ng mga kasama natin sa Cordillera, para sa lupa, buhay at karapatan. Isanib ang lakas at pagkilos na isinasagawa ng mamamayang Filipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya, na may sosyalistang perspektiba.
Ituon natin ang laban sa pangkating Macapagal-Arroyo, bilang siyang namumunong kumakatawan sa malalaking panginoong maylupa at mga naghaharing uri sa bansa, at masugid na tagapagtaguyod sa interes ng imperyalistang globalisasyon. Ang halos walong taon sa estado poder ng rehimeng Arroyo ay nagpakita ng pagiging kontra mamamayan, pasista at tuta ng imperyalismo at dayuhang interes.
Kabi-kabilang eskandalo at matinding korapsyon na ang sangkot mismo ay ang pamilyang Arroyo. Ayon sa pahayag ni Obispo Socrates Villegas ng Bataan, umiiral muli ang “Conjugal Dictatorship “ sa Pilipinas. Dapat nang wakasan ang kanyang paghahari at magkaroon ng tunay na pagbabago sa sistema at pamamahala sa bansa.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring hustisya para mga mamamayang biktima ng Oplan Bantay Laya 1 at 2 at magsasakang biktima ng korapsyon, tulad ng 728 milyon piso na Fertilizer Fund Scam, 218.7 milyon piso na hybrid seed scam at 135 milyon piso na veggie scam, na lumabas mismo sa Commission on Audit report noong 2008. Ang pondo para sa magsasaka at agrikultura ay ginagamit para sa kampanya at pansariling interes ni Gloria at mga kaalyadong politiko. Ang NBN-ZTE scandal, bilyon piso na pondo ng QUIDANCOR at marami pang iba. Nariyan ang malaganap na extra judicial killings, enforced disappearances at political repression, na kagagawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at iba pang ahente ng estado, na ang karamihang biktima ay mula sa batayang sektor, kasapi ng mga progresibong samahan at media.
Tama na, Sobra na!
Sa halip na tugunan ni Arroyo at kapanalig niya sa lehislatura, ang mga lehitimo at makatarungang kahilingan ng magbubukid para sa Tunay na Reporma sa Lupa at pagpapaunlad ng agrikultura ng bansa, ang ipinipilit ay ekstensyon ng kontra magsasaka at mapanlinlang na CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program) at Joint Resolution No. 1 ng kongreso, kung saan inalis ang compulsory land acquisition bilang probisyon ng CARP.
Ang tugon sa kahilingan para sa pagtataas ng arawang sahod ng mga manggagawa at buwanang sweldo ng mga guro at kawani ng pamahalaan ay malawakang tanggalan at panunupil. Sa halip na tugunan ang panawagan nang mga kapatid na katutubong mamamayan ukol sa ancestral land at ancestral domain, ang iginigiit ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo at kanilang mga kaalyado sa kongreso ay baguhin ang kasalukuyang konstitusyon ng Pilipinas sa pamamagitan ng Charter Change at pairalin ang 100% dayuhang pagmamay-ari ng lupa sa bansa at term extension ng pekeng Pangulo.
Sobra na, Tama na, patalsikin!
No to Charter Change! Enough of Gloria!
Panagutin sa ginawang krimen sa taong bayan.
Lumalawig ang dominasyon ng imperyalismo sa bansa – bunsod nito ang pagyurak sa ating soberanya ng mga dayuhan, regular na paglulunsad ng “ Balikatan Excercises ng mga tropang kano, kung saan nagresulta ng pagkagahasa ni Corporal Daniel Smith sa ating kababayang si “Nicole.” Nahatulan nang guilty ng korte, ay inareglo mismo ng gobyerno at dinala sa kustodiya ng US embassy.
“Strengthen people’s solidarity, intensify the struggle for land, life and rights!” Defend Land and Resources.
Matuwid at dakila ang ipinaglalaban ng magbubukid at katutubong mamamayan para sa lupang pinagmumulan ng pagkain at kabuhayan. Matuwid na ipagtanggol natin ang soberanya ng bansang Pilipinas, laban sa dayuhang mandarambong. Matuwid ang lumaban para sa kalaayaan ng inang bayan.
Bunga ng ating mahigpit na pagkakaisa at tuloy-tuloy na pagkilos, masaklaw at signipikante ang nakamit nating mga tagumpay sa usaping politika at ekonomiya. Bunga ito ng masikhay na pagmumulat, pag-oorganisa at militanteng paglaban. Pinakamataas na pagpapahalaga sa mga kasamang nag-alay ng buhay para sa bayan. Sila ang mga martir ng kanayunan at mga bayani ng sambayanan. Pagpupugay sa inyong kadakilaan, mananatili kayo sa aming puso at isipan.
Batid natin ang tagumpay na nakamit ng mamamayan ng Cordillera, bunga ng mahigpit na pagkakaisa at walang humpay na pakikibaka sa ibat-ibang kaparaanan. Ang tagumpay na nakamit sa loob at labas ng bansa. Nangunguna kayo sa International Solidarity Work, mabuhay kayo!
Bilang panghuli, nais kong ipahayag, na atin pang pag-ibayuhin ang pagpukaw sa malawak na hanay ng mamamayan at organisahin sila at pamunuan sa laban para sa pagpapatalsik sa kinamumuhiang rehimeng US-Arroyo. Ang lakas ng masa ang siyang mapagpasya, buuin natin ang pinakamalawak na alyansa mula sa batayang sektor ng manggagawa at magsasaka, ang pakikipagkaisa sa mga progresibong hanay at positibong pwersa.
Buuin ang mga taktikal na alyansa at pormasyon na may malinaw na pagkakaisa at paninindigan. Aktibong gumampan ng mga gawain at tungkulin para sa ibayong paglakas at paglawak ng kilusan, habang tinitiyak ang seguridad ng mga pamunuan at kasapian ng buong organisasyon. Darating ang araw, magtatagumpay ang bayang lumalaban.
Ipaglaban ang Tunay na Repormang Agraryo at Pambansang Industriyalisasyon!
Defend Land and Resources!
Surface James Balao, Nilo Arado and other victims of enforced disappearances!
Release Randall Echanis and all Political Prisoners!
Stop killing Peasants who feed the Nation!
Mabuhay ang mamamayan ng Cordillera!
Mabuhay ang sambayanang Filipino!
To all international delegates and guests, Long Live International Solidarity!
Persevere the people’s struggle against Imperialism!
The people united, will never be defeated!
Muli, maraming salamat at magandang umaga sa inyong lahat.