Keynote Speech Bayan Muna Rep.Teddy Casiño
April 24, 2009
Ginugunita natin ngayon ang pagkamatay ng isang tao. Si Macliig Dulag, isang lider ng mga Butbut, ay pinaslang ng mga sundalo, 29 na taon na ang nakaraan dahil sa kanyang pagtutol sa proyektong Chico River Basin Dams.
Akala siguro ng mga pumatay sa kanya, kapag napatahimik nila si Macliing, mapapatahimik din nila ang mga katulad niyang tumututol sa mga proyektong wawasak sa kalupaan at pamumuhay ng mga taga Kalinga at Bontoc. Akala siguro nila, dahil sa kanilang karumaldumal na krimen ay matatakot at yuyulo ang mamamayan ng Cordillera. Pero, nagkamali sila. Ang ating pagtitipon sa araw na ito ang pinakamalinaw na pruweba na nagkamali sila.
Sapagkat sa puntod ni Macliing sumibol ang mas mataas na kamulatan, ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayan ng Kalinga, Bontoc at buong Cordillera. Ang pagkamatay ni Macliing ay ang pagkabuhay naman ng mas maunlad na kilusang nagtaguyod sa karapatan ng mga katutubo at buong sambayanan laban sa isang mapang-api at mapangwasak na gobyerno at sistemang panlipunan.
Kayat sa araw na ito, bigyan natin ng pinakamataas na pagpugay ang mga martir ng Cordillera at ng sambayanang Pilipino. Pagpugay kay Macliing Dulag! Pagpugay sa mga dakilang bayani ng Cordillera! Pagpugay sa lahat ng mga nag-alay ng buhay para sa ating kalayaan at Karapatan!
Ang mga alay nilang buhay ay hindi nasayang, ang ibinuhos nilang dugo ay patuloy na dumadaloy, rumaragasa na parang malaking agos ng Ilog Chico naghahawi ng daan para sa tagumpay ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya sa ating bayan.
Pagpugay din sa lahat ng nagpapatuloy ng laban ni Macliing Dulag! Mabuhay ang Cordillera Peoples Alliance! Mabuhay ang Basao Dilag Community Association for Rural Empowerment! Mabuhay ang Timpuyog Dagiti Mannalon ti Kalinga! Mabuhay ang KALASAG!
Pinapaabot naming sa Bayan Muna ang mahigpit at mainit na pakikiisa sa mamamayan ng Cordillera at sa lahat ng nagtataguyod ng pakikibaka para sa lupa, buhay at karapatan. Napapanahon at lubhang makabulahan ang tema ng ating selebrasyon ngayong taon: “Strengthen people’s solidarity. Intensify the struggle for land, life and rights.”
Napapanahon at makabuluhan ang panawagang ito dahil kaharap natin ngayon ang pinakaseryosong banta sa ating karapatan sa lupa – ang Charter Change o pag-amyenda sa Konstitusyon para payagan ang pag-aari ng lupa ng mga dayuhan at paggamit nila ng ating likas na yaman. Ito ang laman ng House Resolution 737 na ngayo’y pinagdedebatehan sa Kongreso. Sa ilalim ng panukalang ito, libre nang magkamkam ng lupa ang mga dayuhan. Libre na ring dambungin ng mga foreign corporation ang ating mga gubat, bundok, yamang mineral, yamang dagat, mga ilog at katubigan. Ang lupa at likas na yaman, na dati’y nakareserba sa mga Pilipino, ay maaaring mapasakamay na ng mga dayuhan kapag lumusot ang Cha-cha.Kapag natuloy ang pagtanggal sa mga makabayang probisyong pang-ekonomya ng Konstitusyon, ano ang mangyayari? Sino kaya ang nagmamay-ari ng pinakamayayamang lupa sa Pilipinas, ang mga pobreng magsasaka o mga mapeperang Amerikano, Hapon, at Instik? Sino kaya ang magsasamantala sa ating kagubatan, kabundukan at mga yaman nito, ang mga mahihirap nga Pilipino ba o mga dambuhalang korporasyon ng troso, mina at pangisdaan?
Kinakaharap din natin ngayon ang pinakamalaking banta sa ating buhay. Bukod sa pagtanggi sa ating karapatan sa lupa, na para na ring pagtanggi sa ating karapatang mabuhay, nariyan ang tahasang pamamaslang sa ating mga lider at kasama dulot ng counter-insurgency program ng gobyernong Oplang Bantay Laya II. Sa ilalim ng programang ito, itinuturing na kaaway ng estado at terorista ang mga taong walang ibang kasalanan kundi ang ipaglaban ang ating mga karapatan at maghangad ng isang mas mabuti, makatarungan at mapayapang lipunan.Hanggang ngayon, hindi pa rin ipinapatupad ng rehimeng Arroyo ang mga rekomendasyon ng United Nations Special Rapporteur Prof. Philip Alston. Ayon kay Alston, kailangan ang pag-aalis ng pamamaslang ng mga aktibista sa mga operasyong kontra-insurhensya, pag-uusig sa mga salaring ahente ng estado, pagbuwag ng Inter-Agency Legal Action Group, pagpapalakas ng proteksyon ng mga saksi, at pagtatanggol sa karapatang pantao sa loob ng prosesong pangkapayapaan. Hanggang ngayon, wala sa isang ito ang ipinatupad ng gobyerno.
At ngayon ang masamang balita: pauupuin na sa Kongreso ang berdugo na si retired major general Jovito Palparan. Nang lumabas ang desisyon ng Korte Suprema nitong martes para sa mga dagdag na pwesto sa party list ng Kongreso, kasama si Palparan. At sa kabila ng malawakang batikos sa pagkapanalo ng kanyang pekeng partidong Bantay, dinipensahan ng Malacanang si Palparan.
Sa usapin ng karapatan, patuloy na niyuyurakan ng gobyernong Arroyo at ng mga naghaharing uri ng ating karapatan pang-ekonomya, pansibil, pampulitika, panlipunan at pangkultura.Napapanahon at makabuluhan ang panawagan ng Cordiller Day dahil sa higit walong taon ng administrasyong Arroyo ay panahon ng walang kapantay na pagwasak sa ating lupa, buhay at karapatan. Walong taon ng korupsyon at pandarambong, kahirapan at kagutuman, paglabag sa mga karapatang pantao at pagsunud-sunuran sa dayuhang kapangyarihan at pansariling kapakanan. Kaya naman itinuturing si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo bilang pinakamasama at pinakasusuklamang pangulo kasunod ng diktador na si Ferdinand Marcos.
Naghari si Gng. Arroyo, ang kanyang asawa, gabinete, mga pinapaburang kroni at pulitiko sa pinakagarapal na paraan. Bilyun-bilyong piso nang mga kaso ng pandarambong ang kinasangkutan ng mag-asawang Arroyo at mga kasapakat nila. Marami na ang nabulgar gaya ng iskandalong IMPSA deal, Code NGO peace bond, Jose Pidal account, fertilizer fund scam, Northrail Project, Quedancor, NBN-ZTE at Euro-Generals. Marami pa ang di nabubulgar.Noong isang araw lamang, may nakausap akong isang dating local official na hiningan ni Gloria ng isang pabor. Bilang kapalit, siya’y inilagay sa Bureau of Customs. Subalit makalipas nang limang buwan, siya’y nag-resign sa Customs dahil hindi daw niya masikmura ang mga pinagagawa sa kanya ng asawa ni Gloria, si First Gentleman Mike Arroyo, kaugnay ng smuggling at iba pang iregularidad at pagnanakaw ng kabang yaman.
Walang tigil ang paglitaw ng mga iskandalo sa gobyernong ito. Noong isang araw lamang, kausap ko ang isang supplier ng instant noodles. Binigyan nya ako ng mga dokumentong nagpapakita na ang gobyerno ay bumili noon isang taon ng mahigit 200 milyong piso ng instant noodles sa presyong P16 bawat pakete. Ngayon taon, may kontrata naman para sa mahigit 400 milyong pisong instant noodles sa presyong P22 bawat isa. Saan kayo nakakita ng instant noodles na P22? Pero ito ay bahagi ng program ng Department of Education para daw bigyan ng masustansyang pagkain ang ating mga anak. Pero sa ganyang kalakaran, hindi mga bata ang mabubusog kundi mga opisyal ng gobyerno.
Upang hadlangan ang paglabas nang katotohanan at supilin ang kanyang mga kritiko at kilusang masa, ginagamit ni Gloria Arroyo ang kamay na bakal ng estado. Ibinalik ng pangkating Arroyo ang lagim ng batas militar nang ipataw nito ang ang calibrated preemptive response, Proclamation 1017, executive privilege at isama ang di armadong mga aktibista sa mga target ng militar. Umabot na sa mahigit isang libong mga aktibista, mamamahayag at ordinaryong sibilyan ang pinatay o naging desaparecido sa ilalim ng kanyang malupit na rehimen.
Bukod sa mga pagpatay at padukot sa mga progresibo at militante, laganap ngayon ang paghain ng mga gawa-gawang kaso sa ating mga lider. Sa Timog Katagalugan, 72 sa ating mga lider ay inakusahan ng militar at pulis na sangkot daw sa mga gawain ng NPA. Sila’y pinaaresto subalit sa husay ng ating mga abogado, napaatras ang warrant of arrest. Mismong kami sa Kongreso ay hindi tinatantanan ng Malacanang, sa pamamagitan ng kanyang Inter-Agency Legal Action Group(IALAG). Noong 2006, kinasuhan kaming anim na kongresista ng rebelyon. Kasama ng isang ambush ng NPA noong 1969, nung ako’y isang taong gulang pa lang, at ang Plaza Miranda bombing noong 1971, nung ako’y tatlong taong gulang pa lang. Kung pepwede lang siguro pati ang pagkamatay ni Rizal ay ikakaso sa amin.
Pinalubha ng rehimen ang krisis ng bansa at kahirapan ng mamamayan. Hindi naramdaman ng mamamayan ang taun-taong ipinagmamalaking nominal na paglago ng ekonomya. Taliwas sa buladas ng ‘strong economic fundamentals’, lalong humina at bumagsak ang lokal na industriya at agrikultura dahil sa patakaran ng rehimen para sa liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon ng ekonomya. Hindi makapagbigay ang ekonomya ng sapat na trabaho at pagkain sa bansa. Higit 9 milyon na ng halos 90 milyon populasyon ang iniwan ang kanilang mga pamilya at nangibang bayan para magtrabaho pero nagyayabang pa ang gubyerno na may sapat na trabahong nalilikha sa loob ng bansa kung hindi lang mapili nang mapapasukan ang mga Pilipino.Nagaganap ngayon ang pinakamatinding krisis ng pandaigdigang ekonomiya dulot ng pagkasalaula ng sistemang pinanysal. Tinamaan mismo ang mga mayor na sentro ng kapitalismo — ang Estados Unidos, Europa at Japan. Ang ipinagyayabang ng gobyerno, hindi daw masyadong tatamaan ang Pilipinas dahil ligtas ang ating mga bangko sa nangyari. Sa isang banda ito’y totoo. Hindi masyadong mararamdaman ang krisis sa Pilipinas dahil matagal na tayong naunang nagkakrisis. Sa katunayan, ang ekonomiya natin ay palaging krisis. Mula pa nung 1970s hindi na natin kayang lumikha ng sapat na trabaho para sa ating mamamayan. Hindi na umunlad ang ating mga industriya. Hindi umangat ang kabuhayan ng ating mga magsasaka. Palagian ang krisis sa Pilipinas subalit mas titindi pa ito dahil sa pandaigdigang krisis na nagaganap sa kasalukuyan.
Sa kabila ng pagkawala ng tiwala sa kanya ng mamamayan, patuboy na tinamasa ni Arroyo ang suporta ng United States, Japan, at iba pang mga makapangyarihang estado dahil sinusunod niya ang lahat ng kanilang gusto. Kapalit ng suportang ito ay ibayong pagyurak sa soberenya at dignidad ng bansa. Tiniyak sa pagtawag sa telepono ni Pangulong Barack Obama kay Mrs. Arroyo ang pananatili ng di-pantay na US-RP Visiting Forces Agreement na ginamit para permanenteng makapanatili sa Pilipinas ang mga tropang Amerikano at alisin si Lance Corporal Daniel Smith sa pagkakakulong mula sa piitan ng Makati nang labag sa Saligang Batas. Kahapon lang, lumaki ang hawak ng Japan at China sa ekonomya ng bansa bunga ng pagpasok ng gubyernong Arroyo sa tagibang na mga kasunduan tulad ng Japan-Philippine Economic Partnership Agreement (JPEPA) at mga kasunduan ng Pilipinas sa China para magamit ng huli ang milyun-milyong ektarya ng lupang sakahan.
Itinutulak ni Gng. Arroyo at ng kanyang koalisyong Lakas-Kampi ang pag-amyenda sa Saligang Batas upang mapalawig ang panahon ng panunungkulan ni Gng. Arroyo o mabigyang daan ang kanyang muling pagtakbo bilang pangulo o ang kanyang pagiging punong ministro. Mayroon ding mga nagtutuak ng marahas na mga hakbang tulad ng pagpapataw ng state of emergency o batas militar. Upang makuha ang suporta ng US at mga makapangyarihang bansa, sabay na itinutuak ng pangkatin ang pagamyenda sa mga prubisyon ng Saligang Batas para ailsin ang pagbabawal sa pag-aari ng mga lupain, sa mga base militar at armas nukleyar ng dayuhan sa Pillpinas.
Ang Kailangang Pagbabago ng Sistema
Hindi lang si GMA ang problema. Di lang ang kanyang pagsisinungaling, pagnanakaw, pandaraya at pagpaslang. Ang pinakaugat ng suliranin ng bansa ay ang sistemang pinauuna ang interes ng iilan at dayuhan kaysa sa interes ng sambayanang Pilipino o mayayaman vs. mahihirap.
Ito ang sistemang nagbubunga ng higit na kahirapan ng masa at krisis pangekonomiya, nang-uupat ng pasistang panunupiI at armadong labanan at ng korupsyon at kabulukan sa moralidad.
Ang rehimeng Arroyo ay isa lamang sa masasamang bunga ng sistemang ito. Magpalit-palit man ng pangulo, hindi bubuti at uunlad ang bansa kung hindi mababago ang sistemang ito. Pinipigilan nito ang pag-unlad ng Pilipinas tungo sa pagtatamasa ng tunay at ganap na kasarinlan, demokrasya, kapayapaan at kasaganaan.
Pinanatili at pinatitindi ng reakysunaryong pulitika ng status quo ang bangkaroteng sistemang ito. Nakakonsentra ang kapangyarihang pampulitika sa kamay ng ilang dinastiyang pulitikal at mga kinatawan ng malalaking negosyo. Itinuturing nila ang mamamayan bilang tuntungan lamang sa kanilang mga ambisyung pulitikal. Ginagamit lang nila ang pusisyong pampubliko upang magkamal ng dagdag na yaman at kapangyarihan para sa kanilang mga sarili, mga kamag-anak, mga kaibigan at pinapaburang negosyo, dayuhan at lokal.
Kasingbigat na problema ng bulok na pulitika ang atrasadong ekonomya na nakatuon sa pagluluwas at umaasa sa pag-aangkat. Hinadlangan ng mga dikta ng dayuhan sa mga patakaran ng gubyerno ang pag-unlad ng lokal na industriya at agrikultura na siyang sana’y Iilikha ng sapat na trabaho at pagkain. Madalas talo ang Pilipinas sa pakikipagkalakalan sa mga industriyal na bansa, kaya nabaon tayo sa utang. Ang pagkaatrasado at krisis pang-ekonomya ay pinatindi ng pananalasa ng globalisasyon neoliberal.
Ang mga dayuhang korporasyon at banko, subsidyaryo at ilang kasosyo nila ang tumatabo ng bilyun-bilyong pirasong tubo at interes sa pagsasamantala sa murang lakas paggawa at likas na yaman ng bansa. Nakikinabang din ang mga matataas na burukrata na nagbibigay ng paborableng kontrata, proyekto, batas at patakarang pabor sa dayuhan at mga kasosyo nila.
Marami nang pumansin kung paano lumikha ang bulok na sistemang ito nang malalang problemang panlipunan at kabulukang kultural. Nagbubunga ang laganap na kahirapan ng talamak na problema sa bisyo, droga, kriminalidad, prostitusyon at iba pa. Maraming pamilya ang nawawasak dahil sa pag-alis sa bansa ng mga magulang para magtrabaho sa ibayong dagat. Pinatindi ng globalisayong neoliberal ang walang habas na konsumerismo, indibidwalismo at Kanluraning kamalayang nagpapahina ng diwa ng pambansang kakanyahan at pagkakaisa.
Sagot sa krisis – pagkakaisa ng mamamayan at patuloy na pakikibaka para baguhin ang sistema. #