PRIBATISASYON
NG NAPOCOR,
SANHI NG WALANG HUMPAY NA PAGTAAS NG SINGIL SA KURYENTE
Muling nahaharap sa panibagong pagtataas ng singil sa kuryente ang mga
konsyumers ng Benguet. Simula sa billing cycle ng Disyembre, ipapataw
na ng Benguet Electric Cooperative (BENECO) ang karagdagang singil sa
generation charge ng National Power Corporation (Napocor). Gayundin, tataas
ang system loss o ang ‘difference’ ng sinusuplay at nagagamit
na kuryente. Sang-ayon ito sa preskripsyon ng Energy Regulatory Commission
(ERC) na gawing buwanan ang pagkukwenta ng mga charges na ito mula sa
dating sistema ng computations na isinasagawa tuwing pagkatapos ng tatlong
buwan.
Ibig sabihin, buwanan ding magbabago ang sisingilin sa atin. Kung sa
unang buwan pa lamang ng pagpapatupad nito ay nagtaas na ang singil sa
kuryente, hindi nalalayo ang mga susunod pang pagtataas lalo na sa generation
charge.
Nitong nakaraang Nobyembre ay tumaas na ang singil sa generation charge
dahil sa pag-apruba ng ERC sa petition ng Napocor. Ngayong Disyembre,
malaki pa rin ang itataas ng generation charge sa Benguet. Muli itong
mapupunta sa Napocor bilang pangunahing pinagkukunan ng kuryente ng probinsya.
SUNOD-SUNOD NA PAGTAAS NG SINGIL NG NAPOCOR
Matagal nang pasanin ng mamamayan ang mataas na singil sa kuryente. Sa
partikular, ang mga pagtataas ng singil ng Napocor ay may kaugnayan sa
matinding pagkalugi nito.
Dahil sa deregulasyon at pribatisasyon ng industriya ng kuryente sa bansa,
ang Napocor ay pumasok sa mga hindi pantay na kasunduan sa mga Independent
Power Producers (IPPs) noong panahon ng administrasyong Ramos. Sa mga
kasunduan na ito, inako ng Napocor ang ibat-ibang bayarin upang dumami
ang pumasok na investors sa bansa kahit hindi malinaw ang batayan ng kasunduan
sa napakaraming IPPs.
Nasa 20-40% lamang ng kuryente ang nagagamit mula sa mga IPPs subalit
dahil sa take-or-pay provision ng mga kontrata, obligado ang Napocor na
bayaran ang kuryente mula sa mga IPPs ng 70-100%. Bukod pa rito may mga
kwestyunableng probisyon ang mga kontrata katulad ng pagsagot ng Napocor
sa fuel-cost guarantee at foreign-exchange fluctuations. Dahil sa madalas
na pagtaas ng presyo ng langis at pagbagsak ng piso, higit pang pinalugi
ng mga probisyon na ito ang Napocor.
Taong 2002, napilitang rebisahin ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) ang
mga IPP contracts dahil sa malawakang paglaban ng mga mamamayan sa Power
Purchase Agreement (PPA). Sa 35 nirebyung kontrata, 6 lamang sa mga ito
ang malinis o walang isyung pampinansya o legal. Pinatunayan lamang nito
na ang pagkalugi ng Napocor na umabot na sa P1.3 trillion noong 2003 ay
dahil ginawang gatasan ng mga IPPs ang Napocor at ang taung-bayan na patuloy
na pumapasan sa mataas na singil sa kuryente.
PRIBATISASYON ANG SOLUSYON NI GMA
Dahil sa bangkaroteng kalagayan, nais ngayon ng pamahalaang Arroyo na
agarang maibenta ang Napocor. Ang layuning maisapribatisa ang Napocor
ang naging dahilan sa mabilisang pag-apruba ng Electric Power Industry
Reform Act (EPIRA) sa kabila ng pagtutol ng mamamayan. Ang EPIRA ang ginawang
batayan ng pamahalaan sa pagpapatupad ng proseso ng pribatisasyon ng industriya
ng kuryente.
Matapos ma-aprubahan ang EPIRA, kinarga pa ng pamahalaang Arroyo ang
P500 bilyong pagkakautang ng Napocor. Sunod-sunod din na ipinatupad ang
walang humpay na pagtaas sa singil ng Napocor upang maging mabango ito
sa mga dayuhang investors. Ng sa gayon, makita ng mga mamumuhunan na may
garantiya ang kanilang kikitain dahil sa mataas na isinisingil nito sa
mga konsyumers.
Sa taong 2005, inaasahang matatapos ang bentahan ng may 70-80% ari-arian
ng Napocor. Kasama dito ang mga power generating assets na ibebenta ng
may malaking diskwento. Kapag naisagawa na ang bentahan pati ang mga probisyong
nakasaad sa EPIRA, magiging kontrolado na ng pribadong sektor at mga dayuhang
mamumuhunan ang industriya ng kuryente. Kapag nangyari ito, wala ng lakas
ang gobyerno na magtakda ng makatarungang singil sa kuryente.
ANG TUNGUHIN NG INDUSTRIYA NG KURYENTE
Hindi nalalayong matulad ang industriya ng kuryente sa industriya ng
langis sa bansa dahil sa deregulado at pribatisadong katangian nito. Ang
mga polisiyang ito ng globalisasyon ay hindi kailanman nagluwal ng benepisyo
para sa mga mamamayan. Bagkus, pinahigpit lamang nito ang kontrol ng mga
dayuhang monopolyo na pangunahing tubo ang batayan sa pagpapatakbo ng
mga industriya at negosyo.
Ang kuryente, katulad ng iba pang batayang pangangailangan at serbisyo
ay dapat manatiling nasa kamay ng mga mamamayan. Ang pagpasa sa industriya
ng kuryente sa pribadong sektor ang maglalagay sa mga konsyumers sa sitwasyong
mas malala pa sa kasalukuyan. Kung kaya’t dapat ipawalang bisa ang
EPIRA bilang batas na nagtataguyod sa pribatisasyon ng industriya ng kuryente.
Gayundin, ang pagkalugi ng Napocor ay hindi dapat singilin sa mga konsyumers.
Dapat papanagutin ang mga nasa likod ng pagkalugi nito. Agad na kanselahin
ang mga tagibang na kontrata ng mga IPPs. Tanggalin ang mga kwestyunableng
probisyon sa mga kontratang ito at huwag bayaran ang mga utang ng Napocor
na nagmula sa mga hindi pantay na kasunduan sa mga IPPs.
Sa pangmatagalang saklaw, kinakailangan ding bantayan ng mga konsyumers
ang mga electric distribution utilities laban sa pagpasok ng pribadong
kontrol katulad ng nangyari sa Meralco.
Ang pagsasabansa ng industriya ng kuryente ang nananatiling alternatibo
para sa mga konsyumers upang masiguro ang akses sa serbisyong ito. Hangga’t
may pagtatangka ang mga dayuhang mamumuhunan na kontrolin ang industriya
ng kuryente at ang pagsasapribado ng Napocor, mananatili ang malawakang
paglabag sa karapatan ng mga konsyumers para sa mahusay, episyente at
abot-kayang serbisyo sa kuryente.
TONGTONGAN
TI UMILI-CORDILLERA PEOPLES ALLIANCE
IKA-6 NG DISYEMBRE, 2004
|