cpa@cpaphils.org | Post Office Box 975 Baguio City 2600 Philippines

Ipaglaban ang soberanya, kabuhayan at demokrasya! Ipaglaban ang Pilipinas!
(Pinagsanib na pahayag ng Tongtongan ti Umili at Cordillera Peoples Alliance kaugnay ng ika-apat na
State of the Nation Address ni Pang. Rodrigo Duterte | July 22, 2019)

Juuly 24, 2019

Tatlong taong pagtataksil sa bayan at sa maralitang mamamayan ng tapat na tagasunod ng dayuhan, mayayaman at gahaman..


Sa ika-apat na SONA ni Pang. Rodrigo Duterte, tuluyan nang nailalantad ang tunay na katangian ng kanyang rehimen bilang masugid na tagapaglako ng dayuhang interes at tagpagtanggol ng mga abusado’t gahaman sa ating bayan habang patuloy sa pagpapahirap, paninikil at pagmamalupit sa mga karaniwang mamamayan. Malinaw ang sagot sa tanong kung nasaan ang katapatan ng gubyernong Duterte.

Masunuring tuta ng mga dayuhan

Hindi na maikakaila pa ang pagkapapet ng administrasyong ito sa kanyang among Tsina. Duwag si Duterte sa harap ng makailang-ulit na pang-aapi sa mga mangingisda sa sarili nating karagatan at garapal na pang-aagaw ng mga isla at yamang dagat sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. Ang pagbunggo at pag-abandona sa mga mangingisda sa Recto Reed ay larawan ng aktuwal na kalagayan ng mga mangingisdang Pilipino na sadyang inaabandona ng pamahalaan sa ngalan ng “pakikipagkaibigan” ni Digong sa makapangyarihang Tsina.

Kasabay nito ang walang kaparis na pangungutang sa Tsina sa ngalan ng programang “Build-Build-Build” na mas mataas ang interes nang 1,100% kumpara sa alok ng Japan. Hindi maikakailang patibong o “debt-trap” ang alok ng Tsina sa maraming mahihirap ng bansa na instrumento para agawin ang mga teritoryo, patrimonial assets at strategic assets gaya ng nangyari sa Sri Lanka, Pakistan, Cambodia at marami pang bansa sa Africa.

Sa Cordillera, popondohan ng P3.6 bilyong utang mula sa Tsina ang Chico River Pump Irrigation Project (CRPIP) na pilit ipinapatupad sa kabila ng kawalan ng FPIC o free, prior and informed consent. Popondohan din ng Tsina ang proyektong Kaliwa Dam na magpapalayas sa mga katutubong Dumagat sa kanilang lupang ninuno. Ayon kay Senior Associate Justice Antonio Carpio, nanganganib na mapasakamay ng Tsina ang mga patrimonial assets ng Pilipinas gaya ng Recto Bank na may 5.4 bilyong bariles ng langis at 55.1 trilyong cubic feet ng natural gas.

Nananatili rin ang pakikialam ng imperyalistang US, partikular na sa alitan sa West Philippine Sea para bigyang katwiran ang panghihimasok nito sa rehiong Asya. Ginagamit ang banta ng Tsina upang ipataw pa ang higit na presenyang militar nito sa Pilipinas. Pero ilusyon lamang ang sinasabing pagtulong ng US sa bansa sa ilalim ng kasunduang militar na RP-US Mutual Defense Treaty. Sa dakong huli, sariling adyenda lamang ang isnusulong ng US, at nananatiling nagpapakatuta ang administrasyong ito sa mga dayuhan.

Samantalang patuloy na nanganganib ang ating lupang ninuno sa Cordillera na mayroong 102 aplikasyon sa pagmimina na wawasak sa 649,320 ektarya. Mayroon pang 94 proyektong enerhiya na bantang tayuan ng dam at iba pang istruktura sa mga ilog, komunidad at gubat sa lahat ng mga probinsya na pag-aari ng iba’t ibang multi-national na korporasyon. Ano na lang ang maipamamana natin sa ating susunod na henerasyon?

Naghihirap ang mamamayan

Sa kabila ng mga manipuladong estatistika at paninindak na pahayag, kahabag-habag ang totoong kalagayan ng bansang Pilipinas sa ilalim ni Duterte. Sinasabing halos umabot na sa 30,000 ang napatay sa “war on drugs”. Kasama sa pinakahuling napatay ang isang 3-taong gulang na bata. Umiiral pa rin ang Martial Law sa Mindanao at lansakan ang paglabag sa karapatang pantao habang hindi naman nalulutas ang problema sa iligal na droga at armadong tunggalian. Dumarami din ang pinapatay na abogado, myembro ng mass media, magsasaka, katutubo at maralitang lungsod sa ilalim ng programang counter-insurgency ng gobyerno. Pinakatalamak ang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ni Duterte kung kaya’t pati ang United Nations Human Rights Council ay naalarma at nanawagan ng imbestigasyon.

Dito sa Kordilyera, ramdam din ang pagtindi ng mga atake laban sa karapatang pantao. Tuloy-tuloy ang pinaigting na militarisasyon sa mga katutubong komunidad. Kabi-kabilaan ang pagsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista gaya ng kaso ni Rachel Mariano, isang manggagawang pangkalusugan ng Community Health Education, Services and Training in the Cordillera Region (CHESTCORE), na kasulukuyang nakapiit ngayon sa Ilocos Sur Provincial Jail at hinaharap ang mga gawa-gawang kaso na isinampa sa kanya ng militar.

Sumisirit ang bilang ng mga walang trabaho, tinatayang aabot sa 4.6 milyon, habang laganap ang kontraktuwalisasyon. Walang ampat ang pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin. Problema ang kawalan ng tubig at mataas na presyo ng kuryente sa maraming kabahayan. Pumapalo sa $79 bilyon ang kabuuang utang panlabas ng Pilipinas.

Kalunos-lunos ang kalagayan ng sektor ng agrikultura dahil sa liberalisasyon ng importasyon ng bigas habang nawawasak ang kabuhayan ng mga magsasaka. Dagdag na pasanin at inutil ang gubyerno sa problema ng tag-tuyot na nagdulot ng mahigit P5 bilyong pagkawasak sa agrikultura. Kalokohan naman ang estatistika sa bilang ng mga mahihirap dahil sa sobrang mababang pamantayan ng gobyerno para ituring kang mahirap. Sabi ng pamahalaan, hindi mahirap ang mga may P10,500 kada buwan kahit na kulang na kulang ito para mabuhay nang disente. Halos katumbas ito ng umiiral na minimum wage sa Metro Manila na P491 kada araw kung kaya’t nananawagan ang kilusang paggawa na itaas ang pambansang minimum wage. Dito sa lungsod ng Baguio, nananatili pa ring panganib ang pagkawala ng kabuhayan ng mga maliliit na manininda sa palengke dahil sa kawalan ng pakialam ng gubyerno sa mamamayan. Nanantili rin ang banta ng pagkawala ng matitirhan ng mga mahihirap nating kababayan dahil sa banta ng demolisyon ng mga malalaking kumpanya.

Ipaglaban ang Pilipinas!

Sa harap ng kadiliman at kalupitan na nais ipataw ng rehimeng Duterte sa mamamayan, nananawagan kami sa mamamayan na maging matatag at patuloy na lumaban para sa kabuhayan, karapatan, soberanya at demokrasya. Sa mga pagawaan, paaralan, komunidad, kabundukan, at karagatan, malakas na ipahayag natin na hindi tayo papayag sa dayuhang panghihimasok. Lalabanan natin ang anumang tangka na konsolidahin ang diktadura ni Duterte.

Salot sa bayan ang kasalukuyang rehimen na ang patakaran ay “kill, kill, kill”. Mahaba na ang kontra-mamamayang kasalanan at kataksilan nito sa bayan. Lumalakas ang panawagan para wakasan ang paghahari ng tiraniya sa ating bayan. Itinutulak ng mga makabayan ang impeachment ng Pangulo dahil sa pagta-traydor nito sa isyu ng West Philippine Sea. Sukdulan ang pagtataksil, pagpapahirap, pang-aapi at panunupil. Hindi na siya dapat manatili pa sa Malakanyang!

Ngayong ika-apat na SONA, magkaisa tayo laban sa pahirap, pasista, at tutang rehimeng Duterte.

Ipaglaban ang soberanya, kabuhayan at demokrasya! Ipaglaban ang bayang Pilipinas!

Sobra na! Tama na! Wakasan na! Patalsikin ang traydor, pahirap at diktador!

For reference:

Windel Bolinget, Cordillera Peoples Alliance - Chairperson

Geraldine Cacho, Tongtongan Ti Umili - Chairperson

Share this:

Facebook Twitter