Isang mainit at maalab na pagbati sa inyong selebrasyon ng Araw ng Kordilyera. Sa likod ng mga makukulay na pista, masasayang musika't sayawan, pinagdiriwang natin ngayon ang kung ano talaga ang nagpapatibay sa pundasyon ng kulturang Kordilyera - ang angking giting, tapang, at katatagan ng karakter ng bawat isa, mahabang kasaysayan ng pakikibaka't paninindigan, at ang kahanga-hangang pagpapahalaga at pagmamahal sa kalayaan at demokrasya.
Tunay ngang marami na kayong napagtagumpayan. Matagal ninyo nang pinatotoo sa kasaysayan ang inyong lakas, hindi lamang sa kolektibong pagkilos, dahil kayo’s sama-samang nangangarap para sa mas matiwasay at patas na lipunan. Subalit kung ating susuriin ang pangaraw-araw na kaganapan, napakalayo pa ng ating paroroonan at napakarami pa rin nating kailangang ipaglaban.
Sa aking kinatitindigan, kitang-kita ang panggigipit sa mga demokratikong institusyong kumakalinga sa ating kalayaan. Tulad ng ating masugid na pagmamatyag at pagbabantay dito laban sa awtorotaryanismo at sa mapanupil na pamumuno, ngayon higi't kailanman kailangan ang ating katatagan upang siguruhing hindi balewala ang lahat ng isinakripisyo ng ating mga ninuno.
Kasaysayan na ang testigo sa kakayahan ng Kordilyerang manindigan para sa kalayaan. Sa araw ng pagbubunyi ng inyong kultura, nawa'y paigtingin niyo pa ang mga napagtagumpayan at ipatuloy ang pakikipaglaban para sa ganap na demokrasya.
Mabuhay ang Kordilyera. Mabuhay ang Pilipinas.***